Talumpati ng pangulo ng Azerbaijan, Heydar Aliyev, sa pagdiriwang na inaalay sa ikatlong anibersaryo ng pagpatay sa Khojali sa Moske sa Tazapir – Moske ng Tazapir, Pebrero 26, 1995


Natatanging mga kababayan! Natatanging mga Muslim!

Tayo’y nagtipon dito sa Moske ng Tazapir, tahanan ni Allah, upang gunitain ang araw ng pagdadalamhati. Ginugunita natin ang ikatlong anibersaryo ng pagpatay sa Khojali, ang trahedya sa Khojali.

Sa daan-daang taong kasaysayan nito, ang mga mamamayan ng Azerbaijan ay nag-ambag na ng napakarami sa kultura ng mundo. Ang mga Muslim ay nag-ambag sa kultura ng mundo sa pamamagitan ng Banal na Koran. Sa daan-daang taong kasaysayan, naharap na ang mga mamamayan ng Azerbaijan sa maraming trahedya, sa iba’t-ibang aspeto at pagkakataon. Isa na rito ang iringan sa mga Armenian na tumagal ng anim na taon. Maraming mga lumusob sa ating bansa at bilang resulta ng pagsalakay na ito sa ating mga teritoryo, nawala sa atin ang bahagi nito, at namatay rin ang ilan sa ating mga kababayan, na nag-iwan ng bakas ng dahas. Ngunit ang pinaka-malala sa lahat ng mga sakunang ito, ang pinakakalunus-lunos, ay ang pagpatay sa Khojali.

Sa kasaysayan, may mga istorya tungkol sa barbarikong pagtrato ng isang tao sa kapwa niya nilalang. Marami na ring pagpatay sa iba’t-ibang lugar sa mundo. Ang pagpatay sa Khojali na ginawa ng mga lumusob mula taga-Armenia, mga sumalakay laban sa Azerbaijan, ay isa sa pinaka-brutal na pangyayari. Ang pag-ubos sa isang lahi, na nagtatagal ng mahabang panahon, sa buong ikadalawampung siglo, na ginawa ng mga lumusob mula sa Armenia sa ating mga kababayan dito sa Azerbaijan, ay nag-iwan ng malaking lamat sa ating bansa. Ang pinakamalalaki at pinakamasakit na mga sugat ay ang pagpatay sa Khojali, na tumagal ng anim na taon.

Ang giyera ay sinimulan ng mga taga-Armenia. Ang mga mamamayan ng Azerbaijan ay dinedepensahan lamang ang kanilang teritoryo. Hindi mapagkakailang sa giyera, dumadanak ang dugo. May mga nagbubuwis ng buhay at tayo’y nagdurusa bilang isang bansa. Subalit, ang barbarikong pakikipagdigma, na isinagawa tatlong taon na ang nakakaraan ng mga lumusob sa Khojali, laban sa ating mga nananahimik na mamamayan, mga kababaihan at mga kabataan, pati na ang mga matatanda’t may sakit, ay ang pinaka-kagimbal-gimbal na yugto at pinakamasakit, pinakamadilim na pahina ng anim na taong digmaan.

Pinatunayan ng mga pangyayari sa Khojali na hindi lamang gusting kunin at sakupin ng mga taga-Armenia ang ating mga lupain, ngunit ninais din nilang ubusin ang lahi n gating mga kabababayan sa isang barbarikong paraan. Ito’y pinakita nang buong-buo sa mga pangyayari sa Armenia. Sa malagim na gabing iyon, hinagupit ang mga mamamayan ng Azerbaijan ng isang matinding dagok. Ang sugat na ito ay patuloy na kumikirot. Hindi pa ito naghihilom o nagsasara, at ito’y mananaliti panghabang-panahon sa ating mga puso. Gaya ng aking nabanggit, ang isang paglusob sa isang mapayapang populasyon, isang barbarikong pagpatay, ang pagpaslang sa mga babae’t bata, matatanda, may sakit, at ang pagdulot ng pagdurusa sa kanila sa pamamagitan ng hindi pa namamalas na kalupitan ay nagpapatunay ng pagiging barbaro ng mga kaaway.

Ang pagpatay sa Khojali, ang paglusob at ang pagiging barbaro ng mga taga-Armenia laban sa ating bansa, sa pamamagitan ng mga pamamaraang walang bahid ng pagiging makatao, ay tumatak at mananatiling bahagi ng kasaysayan ng sangkatauhan. Pinaslang noong gabing ‘yon, ang mga araw na iyon ay mahalaga sa Azerbaijan, dahil binuwis nila ang kanilang buhay upang mapanatili ang integridad at kabuuan ng teritoryo ng ating republika. Sila’y naging biktima, shakids, sa landas ng pakikipaglaban ng ating bansa para sa pambansang kalayaan. Ang kanilang pagkakapatay, ang katotohanang sila’y naging shakids, ay testigo sa kabayanihan, lakas at katapangan ng bansang Azerbaijan.

Sa kabuuan ng anim na taong digmaan, maraming nagbuwis ng buhay at nasugatan. Muli, na ang mga shakids ng Khojali ay ating mga kababayan, pinaslang sa ngalan ng integridad at kabuuan ng ating teritoryo at kalayaan ng Azerbaijan. Ngayon, tayo’y nagtipon upang bigyang-pugay ang kanilang alaala, upang iyuko ang ating mga ulo at ipagdasal sila. Sa ngalan ng buong bansa ng Azerbaijan sa araw ng pagdadalamhating ito, muli kong pinapaabot ang aking pakikiramay sa ating bayan dahil sa kalunus-lunos na pangyayaring ito. Pinapaabot ko ang aking taos-pusong pakikiramay sa mga pamilya at kaanak ng mga shakids ng Khojali. Nawa’y bigyan ng kapayapaan ng Allah ang mga kaluluwa ng mga shakids ng Khojali. Nawa’y biyayaan ng pasensya’t lakas ni Allah ang mga naulila ng mga shakids ng Khojali. Nawa’y magdala ng pasensya’t lakas si Allah sa buong bayan. Nawa’y bigyan tayo ni Allah ng pasensya upang malampasan natin lahat ng sigalot at pagsubok, tungo sa tunay na kapayapaan, integridad ng teritoryo ng mga malayang mamamayan ng Azerbaijan, at panatilihin ang kalayaan ng Azerbaijan magpakailanman.

Ang trahedya ng Khojali ay an gating pighati, pagdadalamhati at paghihirap. Ngunit sa isang banda, ito ri’y ating daan patungo sa pambansang kalayaan na dinaraanan ng mga mamamayan ng Azerbaijan, at ito’y isang daan na dapat nating bigyang-halaga. Nagkaroon tayo ng mga paghihirap dati. Tayo ri’y may mga paghihirap ngayon. Ngunit walang makakabali sa kagustuhan ng mga mamamayan ng Azerbaijan. Mula sa mga pangyayaring ito, dapat nating mahinuha na tayo’y kinakailangang maging mas matatag at mas magkakabuklud-buklod. Kailangan nating maintindihan na bilang mga taong humuhubog ng ating kapalaran, kailangan nating protektahan ang ating mga sarili, ang ating kalayaan, sa pamamagitan ng daan ni Allah, kailangan nating matuklasan ang daan at umusad sa pamamagitan ng daang ito.

Kaya nga ngayon, tayo’y nanananalangin para sa kapayapaan ng mga kaluluwa ng ating mga shakids, at dapat tayong humarap sa mundo ng taas-noo. Gaano man ang ating lungkot, kailangan pa rin nating maging optimistiko, harapin ang kinabukasan taglay ang pag-asa, at mabuhay na taglay ang pag-asang ito. Ako’y nakakasiguro na ang mga mamamayan ng Azerbaijan ay makakaalpas sa ating mga pinagdaraanan. Ang mga paghihirap ay kaakibat hindi lamang ng digmaan na nagdulot ng pagsakop ng ating mga teritoryo at paghihirap ng mga kondisyon ng ating mga refugees. Ngayon ang ating bayan ay nahaharap sa panahon ng pagbabago. Tayo’y nagdurusa mula sa krisis pang-ekonomiya. Ang mga tao ay napakaraming suliranin sa buhay. Ngunit, ang ating mga kababayan ay dumaan na napakaraming mga paghihirap sa loob ng libu-libong taon, at ang ating lahi ay mabubuhay pa sa loob ng libu-libong taon. 

Hindi dapat mawala ang ating pananalampalataya. Hindi natin dapat isawalang-bahala ang ating mga paniniwala, ang ating piniling daan. Ang daang pinili natin ay ang kalayaan ng Azerbaijan, pambansang kasarinlan, walang hanggang kalayaan ng Azerbaijan bilang isang idenpendeteng estado. Ang landas na ating tinahak ay nagpapakita ng ating pananalig sa ating moralidad, mga tradisyon, relihiyon, wika, at kasaysayan. Habang tayo’y lalong nananalig sa mga bagay na ‘yan, lalo pa nating makikita ang mga sanhi ng ating paghihirap ngayon. Magtutulungan tayo. Alalayan natin ang isa’t-isa. ‘Wag nating tanggapin ang mga taga-Armenia na lumalapastangan sa ating mga karapatan. Mababawi natin ang ating teritoryo, mapapalaya natin ang ating bansa at ang ating republika mula sa krisis na ito.

Sigurado akong ang ating paraan ay ang marangal na paraan, ang makatotohanang paraan, ang paraan, na mangangalaga sa mga interes ng ating mga kababayan. Itutuloy natin ang pagtahak sa landas na ito. Ang malayang estado ng Azerbaijan ay kampante sa pagkakabuklud-buklod ng mga mamamayan, naniniwala sa ating lakas, at ang ating pagkakabuklud-buklod, katatagan, kakayahang manatili, at pasensya ang makakapag-alpas sa atin sa ating mga paghihirap. 

Muli, hinihingi ko kay Allah ang kapayapaan para sa mga kaluluwa ng mga shakids ng Khojali. Muli kong hinihingi kay Allah na bigyang-pahinga na ang mga kaluluwa ng mga shakids. Gusto kong siguruhin muli sa inyo na ang estado ng Azerbaijan ay mananatiling matatag sa pangangalaga sa mga karapatan ng ating mga mamamayan, sa pangangalaga sa ating teritoryo, at ating palalayain ang bayan ng Azerbaijan mula sa mga suliraning ito.

Nawa’y matamo ng mga martir ng Khojali ang kapayapaan. Nawa’y matamo ng lahat ng ating mga martir ang kapayapaan. Maibabalik ng Azerbaijan ang integridad ng kanyang teritoryo at malalampasan niya ang lahat ng suliranin.