Talumpati ng Pangulo ng Republika ng Azerbaijan, Heydar Aliyev, sa pulong sa Lisbon ng OSCE - Lisbon, Disyembre 2, 1996


Kagalang-galang na pinuno, 

Mga binibini at ginoo, 

Taos-puso kong binabati ang mga pinuno ng mga estado at pamahalaan at ang mga dumadalo sa pagpupulong na ito. Nawa’y ang pagpupulong na ito ay magsilbing isang makahulugang gabay upang mapaigting ang seguridad at pagtutulungan sa Europa. 

Mahigit sa 20 taon na ang nakalipas mula noong nilagdaan ang “Helsinki Final Act,” na nagsaad ng mga mataas na pamantayan ng mga prinsipyong ligal at pantao ng pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga bansa ng kontinente ng Europa. 

Sa loob ng panahong ito, maraming magaganda at positibong pagbabago ang naganap. Maraming mga estado ang nagkamit ng kalayaan, kaisipan tungkol sa kalayaan at demokrasya ang naging mga dominanteng prinsipyo sa buong kontinente ng Europa at maging sa labas nito.

Ang gawaing ito ng OSCE na naglalayong magbigay ng seguridad sa iba’t-ibang mga bansa, tulong sa mga malalayang bayan at pag-iwas sa kawalan ng paggalang sa limitasyon ng mga teritoryo, mapayapang pag-resolba sa mga sigalot, pag-protekta sa karapatang pantao at kalayaan ay sama-samang nag-impluwensiya sa takbo ng mga pangyayari at sa uri ng mga pagbabagong ito. 

Kinumpirma ng panahon ang pagiging epektibo ng OSCE. Tunay nating pinapahalagahan ang papel na ginagampanan at ang mahalaga nitong kontribusyon sa lahat ng mga Europeo at pandaigdigang proseso. 

Kahit na nagkaroon pa ng mga suliranin noong panahon ng pagbabago, mga suliranin na bunsod ng digmaan, ating pinalalakas ang ating kalayaan at pinatutupad ang mga radikal na repormang pampulitikal at pang-ekonomiya. 

Ang mga prinsipyo ng pulitikal na pluralismo, isang sistemang mayroong iba’t-ibang partido, kalayaan sa pananalita at pagpili ng relihiyon ay naitatag na sa Azerbaijan. Sa pamamagitan ng isang pambansang referendum, ang unang demokratikong Saligang Batas ng malayang Azerbaijan ay niratipika at ang Parliyamento na binubuo ng mga kinatawan mula sa iba’t-ibang partido ay nahalal.

Ang liberalisasyon ng ekonomiya, malawakang pagsasapribado ng mga pag-aari ng estado, reporma sa agrikultura, kasama na ang paggawad ng lupain sa mga pribadong indibidwal at grupo kasama ang karapatan na magbenta at bumili nang walang pagbabawal ay matagumpay nang naipatutupad. 

Maraming ring mga posibilidad na mamuhunan ang mga dayuhan ng capital sa ekonomiya ng Azerbaijan na nagawa na. Mga kontratang nagkakahalaga ng bilyun-bilyong dolyar na nilagdaan ng mga pinakamalalaking kumpanya ng langis sa buong mundo, upang sabay na maghanap ng posibleng pagkukuhanan ng langis sa bahagi ng Caspian Sea na bahagi ng Azerbaijan ay tinapos na. 

Kami ay kumbinsido na ang paraan ng pagsanib ng Azerbaijan sa buong mundo sa larangang political at pang-ekonomiya ay tumutugon sa pangunahing interes ng mga mamamayan ng Azerbaijan. Kami ay umaasa sa suporta ng OSCE, iba pang mga organisasyong pandaigdigan at mga institusyong demokratiko. 

Mga binibini at ginoo, 

Mga pang-rehiyon na sigalot, ang paglakas ng agresibong nasyonalismo at pagkakawatak-watak, at pandaigdigang terorismo ay patuloy na nagiging tunay na kalaban ng kapayapaan, progreso at pag-unlad sa rehiyon.

Karamihan sa mga bansa, kasama na ang mga bayan matapos ang Soviet at ang mga bayan ng Caucasus, ay naging kasama sa mga madugong digmaan, na nagbunsod ng malawakang pagkamatay ng mga tao, pagkasira ng pangkat-etniko, milyun-milyong biktima ng digmaan at ang pagsakop sa mga teritoryo ng mga malalayang estado. Samakatwid, marami pang mga kailangang gawin ang OSCE upang magbigay ng seguridad sa buong kontinente ng Europa.

Gaya ng alam ng karamihan sa inyo, ang Republika ng Armenia ay naglunsad ng pag-atake laban sa Republika na naglalayong mahiwalay ang matagal nang teritoryo ng Azerbaijan sa Nagomo-Karabakh. 

Dahil sa pag-atakeng ito, dalawampung porsiyento ng mga teritoryo ng Azerbaijan ay nasakop ng mga armadong sundalo ng Republika ng Armenia. Higit sa dalawampung libo ng aming mamamayan ay napatay, hingit sa isang daang libo ay nasugatan, anim na libong tao ang nadakip at nakulong at higit sa isang milyong Azerbaijani, o halog labin-limang porsiyento ng kabuuang populasyon ng bansa ay naging nanganganlong sa ibang bayan. Sila ay namumuhay sa kanilang ikaapat na taon sa mga kampo sa ilalim ng mga kalunus-lunos na kalagayan. 

Sa mga nasakop na teritoryo, higit sa 700 siyudad at bayan ang nasira, nasunog at nanakawan. Ang libu-libong mga ospital, paaralan, bahay, bantayog ng sining, kultura at kasaysayan ng Azerbaijan ay nasira.

Ang Konsehong Pangseguridad ng UNO ay nagpasa na ng apat na resolusyon at anim na deklarasyon ng pinuno na nag-uutos ng pag-alis ng Sandatahang Lakas ng Armenia mula sa mga teritoryo ng Azerbaijan sa lalong madaling panahon, nang buong-buo at walang kondisyon, upang pabalikin ang mga nangangalong at napalikas na mga mamamayan sa kanilang permanenteng tirahan. Kinukumpirma ng mga dokumentong ito ang kalayaan at kabuuan ng teritoryo ng Republika ng Azerbaijan, at ang katotohanang ang Nagorno-Karabakh ay bahagi ng Republika ng Azerbaijan. Ngunit, ang mga desisyong ito ay isinawalang-bahala ng Republika ng Armenia. 

Ang Pangkat Minsk ng OSCE, na tinatag noong 1992, ay gumawa ng mga importante hakbang upang ma-resolba ang sigalot ng Armenia at Azerbaijan sa isang mapayapa at mahinahong paraan. Salamat sa gawain at maigting na pakikilahok ng Pederasyon ng Russia, noong Mayo 1994, ang Kasunduan sa tigil-putukan ay nakamit. 

Ang pagsunod sa kasunduan ng tigil-putukan ay isang mahalagang tagumpay na nagpapamalas ng ating kagustuhang maresolba sa isang mapayapang paraan ang sigalot na ito. Pinahintulutan niyo na masimulan ang isang maayos na proseso ng negosasyon at maghanda ng isang matatag na basehan para sa ating mga hakbang upang maresolba ang problema. Ang panig ng Azerbaijan ay naglalayong ituloy ang tigil-putukan hanggang malagdaan ang Kasunduan sa Kapayapaan. 

Aming sinuportahan nang buong-buo ang mga desisyon ng OSCE sa pagpupulong sa Budapest noong 1994, na naglayon ng isang mabilis na pag-aayos sa hidwaan ng Armenia at Azerbaijan at ang pagtatatag ng pwersa ng OSCE mula sa iba’t-ibang bansa upang panatilihin ang kapayapaan. 

Matapos ang pagpupulong sa Budapest, ang negosasyon na alinsunod sa pananaw ng Pangkat Minsk ay lalo pang pina-igting. Kami rin ay nagtatag ng isang paraan upang direktang magkaroon ng negosasyon sa Armenia sa pagitan ng mga kinatawan ng Presidente at malayang nag-usap upang mapalaya ang mga bihag. 

Ang magkatuwang na pahayag ng mga Pangulo ng Armenia at Azerbaijan sa Luxembourg noong Abril nang kasalukuyang taon ay mahahalagang hakbang sa pag-ayos ng sigalot. Ang naturang pahayag ay kinikilala bilang kauna-unahang dokumento na parehong nilagdaan ng Armenia at Azerbaijan. Pinapakita nito ang kagustuhan ng mga partido na tuldukan na ang mga sigalot base sa mga pandaigdigang prinsipyo at paniniwala.

Sa aking mga personal na pakikipag-ugnayan sa mga pinuno ng OSCE, kami ay nagsagawa ng malawakang konsultasyon upang mahanap ang pinakamabuti at katanggap-tanggap na pamamaraan ng pag-resolba ng sigalot ng Armenia at Azerbaijan. 

Bago pa man sabihin sa inyo, mga pinuno ng estado’t pamahalaan, ng unang Pagpupulong ng Lisbon, sa pamamagitan ng isang liham na nagsasaad ng mga mungkahi upang matanggal ang sigalot sa pamamagitan ng masigasig na pagsunod sa mga prinsipyo ng OSCE, kasama na rin ang batas ng UNO at ang mga kinikilalang pamamaraan ng Batas Pandaigdig. Lahat ng mga ito ay nagsasa-alang-alang sa kapakanan ng bawat partido. 

Ang kasunduan sa regulasyon ay binubuo ng mga sumusunod: kabuuan ng teritoryo ng Republika ng Azerbaijan, isang mataas na estado ng kalayaan ng Nagorno-Karabakh sa loob ng Republika ng Azerbaijan, at garantisadong seguridad sa lahat ng naninirahan sa Nagorno-Karabakh. Ang mga kaisipang ito ay nakakakuha ng suporta sa mga pandaigdigang mga pinuno, at sa maraming aspeto, ay umaayon sa mga prinsipyong minumungkahi ng pinuno ng OSCE, na kanyang minungkahi noong siya’y bumisita sa rehiyon ng hidwaan noong Pebrero, taong 1996. 

Ngunit, nakakalungkot na ang Republika ng Armenia ay patuloy pa rin ang pagtanggi sa ganitong kasunduan, na naka-base sa batas ng UNO, mga prinsipyo ng OSCE at Pandaigdigang Batas. 

Ayaw nitong kilalanin ang kabuuan ng teritoryo ng Republika ng Azerbaijan, at nais nitong gawing ligal ang kinahantungan ng kanilang pag-atake at sinusubukang palayain ang Nagorno-Karabakh mula sa rehiyon ng Republika ng Azerbaijan at isanib ito sa Armenia. 

Mula pa sa simula ng hidwaan ng Armenia at Azerbaijan sa Nagorno-Karabakh, may mga mahahalagang pangyayari na ang naganap sa buong mundo. Mga bagong malalayang estado, kasama na ang Republika ng Azerbaijan, ay nabuo sa ilalim ng dating “Soviet Union.” Ang kasarinlan at kabuuan ng teritoryo ng ating mga estado ay kinikilala ng mundo. 

Kahit anong paglabas sa mga prinsipyong ito ay hahadlang sa pagtatag ng kapayapaan at katatagan. Palalakasin din nito ang sagupaan at ipagkakait sa mga bansa ang pag-asa na mamuhay nang mapayapa at masagana sa hinaharap. 

Ang hindi lehitimong kagustuhan para sa kalayaan ng Nagorno-Karabakh ay hindi akma sa mga kinikilalang tradisyon ng Pandaigdigang Batas. Ni minsan ay hindi kami aayon sa mga kagustuhang ito, at hindi naming maaaring payagan ang paglikha ng ikalawang Estado ng Armenia sa loob ng Republika ng Azerbaijan. 

Dapat maunawaan ng Armenia na ang sigalot na sinimulan nito, na tumagal na ng walong taon, ay nagdulot ng napakaraming kalamidad at paghihirap hindi lamang sa mga mamamayan ng Azerbaijan, kundi pati na rin sa mga mamamayan ng Armenia.

Ako’y kampante na ang pag-aayos ng sigalot base sa prinsipyo ng batas ng UNO, OSCE at Pandaigdigang Batas ay magdudulot ng pagtatag ng isang pang-matagalang kapayapaan sa pagitan ng Armenia at Azerbaijan. Muli nitong itatatag ang mabuting samahan sa pagitan ng mga mamamayan ng Armenia at Azerbaijan at lilikain nito ang pinaka-magandang kondisyon para sa buong populasyon ng Nagorno-Karabakh. Magdudulot ito ng epektibong samahang pang-ekonomiya sa Transcaucasus at pahihintulutan nito na maayos ang panlipunan at pang-ekonomiyang problema ng ating mga Republika. Sabay nating matatamasa ang bunga ng demokrasya at kalayaan. 

Ayaw namin ng digmaan. Gusto namin ng kapayapaan. Ako’y dumudulog kay Ginoong Levon Ter-Petrosian, Pangulo ng Armenia, sa lahat ng mga mamamayan ng Armenia, na samahan kami sa paghahanap sa kapayapaan at pagtutulungan. 

Hinihiling ko rin sa mga pinuno ng estado at pamahalaan na dumadalo sa Pagpupulong sa Lisbon ng OSCE na tumulong sa pag-ayos sa pinaka-mapaminsalang hidwaang pang-rehiyon ng Europa at gawin ang lahat alang-alang sa kapayapaan, katatagan at kasaganahan ng mga mamamayan ng ating kontinente. 

Maraming salamat sa inyong pakikinig.